pauwi na kami, galing sa isang araw na bakasyon sa subic. kalahati ng sakay ng inupahan naming hi-ace grandia… tulog — nakatulog sa pagod at puyat.

nakatulog sa byahe
mabuti na lang walang naghihilik sa sasakyan; kagabi kasi, isa sa mga kasama namin, naghihilik na parang humihigop ng sabaw; ang isa naman, nakikisalit sa una, nagngingitngit ng ngipin — isang humuhigop ng sabaw at isang ngumunguya!
maraming pasyalang dagat ang mas maganda’t kaaya-aya sa mata kaysa subic. ang makikita mo dito, nakapaligid… barko! at kung mamalasin ka, langis sa tubig… at basura. mga jet ski na humaharurot di kalayuan sa buhanginan; minsa’y may hila-hilang banana boat, na sikat sa mga turista, lokal at banyaga. mga bangkang may katig, na nakahelera sa mababaw na bahagi ng dagat, ang mga bangkero nag-aalok ng ligid at island hopping — may tatlong maliliit na islang di-kalayuan, tanaw sa buhanginan — isang oras, P1,000. ang mga kasama ko, piniling mag-kayak, salit-salitan sila, P500 isang oras.
‘si trader ric ba amerikano?’ tinanong ko si cris, isang waitress sa restaurant ng tinuluyan naming otel, sa trader ric’s resort.
‘opo.’

old file photo
nagbaka-sakali lang naman akong magtanong dahil bottomless ang brewed coffee. napag-isip-isip ko, kung pilipino may-ari nito… malabong mag bottomless ito, sa halagang P60. ganun din ang iced tea at lemonade, bottomless sa halagang P60 — teka… lemonade??? american nga. atsaka, big serving ang mga order. nag-order ako ng scrambled eggs w jalapeño peppers… andami nga, isang malaking plato, sa halagang P215, sulit na!

scrambled eggs w jalapeño peppers
kinagabihan, nakita ko bago pumasok sa 2nd floor ng restaurant, mga nakapaskil na mga larawan kung saan andun si trader ric… puti nga!
ang panalo sa lugar na ‘to, mga sariwang isda — yellow fin ‘bonito’ tuna, dorado, chinese bisugo, at lapu-lapung bato. pag bumili ka sa mga humahango sa bangka, pwede mo pang ipaluto!
‘may chinese bisugo pala,’ ika ko.
‘oo, kuya, galing china… china sea,’ sagot ni ate.
‘e, ba’t dilat…’
‘ganyan talaga mata nyan… fresh yan kuya,’ pinutol ni ate pagsasalita ko.
‘e, ba’t dilat… hindi singkit? chinese, sabi mo, di ba?’
toink!
para sa tanghalian namin, nagpaluto kami ng dorado; ung kalahati bandang ulo, sinigang; ung kalahati, inihaw — hinainan na rin kami ng kanin, mga pinggan, kutsara’t tinidor, baso’t tubig sa isang kubo sa isang bakanteng lote.
nag-uwi kami ng chinese bisugo, dorado, at lapu-lapung bato. fresh na, napakamura pa!

lapu-lapung bato
pauwi na kami, dumaan kami sa subic base, sa freeport, sa duty free. wala namang makikitang bagong mabibili — tsokolate, delata, alak, dishwashing — uy! may nakita ako…
chiclets!