ang bubuyog na may ngiting abot-tenga

phenomenal talaga itong bubuyog na ito, na may ngiting abot-tenga at malalaking mga matang dilat at hindi kumukurap.  lahat ng mapadaan ay kung hindi mapapalingon at kakaway, ay titigil at makikipag-apir o magpapakuha ng selfie kasama sya — yan si jollibee (o jabi.)

sa kinse minutos na nag-aabang ako ng bus sa DRT hiway (ang national road na nag-uugnay sa bulacan at nueva ecija) paluwas, pinagmasdan ko itong icon (sa isang mascot) ng kulturang pilipino ‘in action’ — tatlo ang nagpakuha ng selfie, higit apat na sasakyan ang tumigil sa tapat nya, at di mabilang na sasakyang sari-sari (pampasaherong jeep, kotse, 10-wheeler truck, at ilang motorsiklo) ang nagminor pagdaan sa tapat nitong bubuyog.

14489765_10154055801379506_1737210136_o.jpg14513764_10154055801329506_1628667905_o.jpg

sino ba naman ang di magigiliw?  habang umaalingawngaw at paulit-ulit na tinutugtog ang masiglang kantang “ang saya maging pilipino!” sa portable sound system nila, pinapanood mong kumembot-kembot at kumaway-kaway itong bubuyog na nagkatawang-tao, na napakatingkad ng kulay ng mukha, damit, at sapatos — kumbinasyon ng pula, dilaw, at puti.

14536505_10154055801199506_2013598215_o14513808_10154055801249506_1208794526_o

sa tindi ng sikat ng araw kaninang umaga, wari ko, dahil hindi naman aircon ang loob ng mascot costume na iyon, eh baka nanlalagkit na sa pawis, hikahos at lawit na ang dila ng tao sa loob — pero sa labas… nakangiti pa rin!  malaking sakripisyo — hmm… magkano kaya bayad dun? — para lang mapasaya, hindi lang ang mga bata, kundi ang bawat pilipino… syempre, para talaga humakot ng mga parokyano sa loob… at kumita ang negosyo… at yumaman ang may-ari ng franchise!  yun oh… alam na!   subalit kasama na ako dun sa mga pinasaya, na nag-aabang lang ng bus (at nawala ang inip) paluwas.

bago pa ako makasakay (medyo madalang ang bus ngayong umagang ito, inabot ako ng kinse minutos) pumasok na muli ang bubuyog sa loob ng gusali.  subalit bago pa man ako malagpasan ng pagkakataong maisa-ala-ala ang pangyayaring ito… edi peechooran ng smartphone, at ilagay sa blog!