seven sundays: the movie

t1014sevensundays1

nanood kami ni jane ng ‘seven sundays’ kagabi.  pinagbigyan ko ang pagyaya nya sa ‘kin.  may pag-aalangan syang yayain ako dahil drama (nakaka-iyak daw) ang pelikula at alam nyang, generally, tinatawanan ko lang at tinutuya ang mga dramang pilipino.

nadadalas ang panonood ko ng pelikulang pilipino.  minamabuti ko na lang na gawan ng sarili kong review ang mga napapanood, para masulit ang effort.

noong araw, nasusukat ang kadramahan ng isang pelikula sa dami ng panyong kaya nitong basain — isa, dalawa, o tatlong panyo; apat na panyo kung lubhang nakakaiyak.  siguro, sa pagkakataong ito, hihiramin ko ang sukatang ito, subalit hindi sa dami ng panyong kayang basain ng pelikula, kundi sa kung ilang beses naantig ang puso ko, naluha, at humugot ng panyo (di-literal), sa takbo ng pelikula.  eh itong  ‘seven sundays’ — apat na panyo, may apat na eksenang na-antig ang damdamin ko at napaluha.  kailangang pairalin ang babaw ng luha, kung hindi ay… sayang ang binayad sa panonood!

ang seven sundays ay tungkol sa pamilya, sa pagmamahalan at pagbibigayan sa pamilya — ng mag-asawa, ng magulang sa anak, ng mga anak sa magulang, at ng magkakapatid sa isa’t isa.  ang seven sundays ay tungkol sa kahalagahan ng pagsasabi ng totoo — pagiging totoo sa sarili, at pagiging totoo sa pamilya.  ang seven sundays ay tungkol sa tamang panahon ng pagsasabi ng totoo — hindi sa galit o poot, kundi sa pagmamahal — as sa tamang diwa (maturity) sa pagtanggap ng katotohanan.  higit sa lahat, ang seven sundays ay tungkol sa pagso-sorry, pagpapatawad, at pagbabalikang-loob.

datapwat hindi maaaring palagpasin na sa kalagitnaan ng mga basal na kaisipang ito, napakahalaga ng katayuan ng tinuturing nating “ilaw ng tahanan”, at sa mga bagay na ukol sa pagmamahal, pag-aaruga, at pagkalinga, siya ring “haligi ng tahanan” — ang ina o nanay.  at sa maraming pagkakataon (tulad sa seven sundays) ang pagkawala ni nanay ay nauuwi sa kalaunang pagguho ng haligi ng pagmamahalan, pag-aaruga, at pagkalinga na siyang nagbubuklod sa puso’t kalooban ng mga miyembro ng pamilya — nauuwi sa pagkawatak-watak at pagkakaniya-kaniya.

walang bagay na maaaring pumalit sa tunay na pagmamahalan upang pagbuklurin o gawing isa ang kalooban ng mga miyembro ng pamilya.

ang pagkakasakit na malubha (cancer) ng biyudong ama ng apat na magkakapatid na ngayon ay nasa wastong gulang na at may kani-kaniyang trabaho at pamilya na, ay maaring magbigay ng pansamantalang dahilan upang sila’y magkasama-samang muli, tuwing sunday.  subalit hindi ito pangmatagalan.

ang pagkukunwari’t pagpapanggap ng magkakapatid na sila’y magkakasundo at nagbibigayan, upang hindi na bigyan ng karagdagang pasanin ang ama nilang may malubhang sakit, ay gayun din, pansamantala at hindi pangmatagalan.  datapwat, maaari itong maging tulay upang maibalik ang inosenteng pagmamahalan nila nung mga bata pa — at tila ito ang mithiin, na manumbalik ang nakaraan, nang ang lahat ay simple at inosente, at dama ang tunay at dalisay na pagmamahalan sa katotohanan.

7sundays-banner

maraming lumalabas na katotohanan kung tayo’y galit — mga hugot.  ngunit ito’y mapanira ng samahan ng pamilya.  ang katotohanan ay gumagamot at naghihilom lamang ng sugat kung ito’y tinimplahan ng pagmamahal at pag-unawa.  kung hindi ay ito’y wumawasak at nagpapalala ng alitan.

mahirap magsabi ng totoo.  may takot.  ito ang naramdaman ni tatay, halimbawa, nang malaman nyang wala pala syang malubhang sakit — kung sasabihin pa ba nya ito sa mga anak nya, na masayang muling nagkasama-sama bunsod ng sakit nyang ito.  kailangan nito ng tunay na tapang.  subalit dito nalululan ang pagtatagumpay ng samahan ng pamilya — na ang bawat miyembro, magulang at anak, ay totoo sa isa’t isa at nagmamahalan, nagbibigyayan, nagso-sorry at nagpapatawaran.

ang mahalagang aral na maiuuwi mo mula sa seven sundays ay ito: mahalin mo ang pamilya mo — sa lahat ng oras.

mga anak, mahalin nyo ang tatay at nanay nyo, hindi lang habang mga bata pa kayo, ngunit lalo’t higit na huwag kumalimot pag may sariling buhay na kayo at pamilya.  mga tatay at nanay, mahalin, arugain, at kalingain nyo ang mga anak nyo; samantalang mga bata pa sila, at hanggang sa makarating sila sa tamang edad.  mga magkakapatid, magmahalan kayo, mag-sorry at magpatawaran — always be there for each other.  at sa huli, walang makabubuwag sa tibay nyo bilang pamilya.  sinuman ang magtangkang maniil kahit sa isa sa inyo, ang pamilya ay matatag na pader na maaari mong sandalan.

20171015-sevensundays-carousel

respeto: the paradox of liberty

abra

pahiwatig ng kaibigan kong tanyag na manunulat at mamamahayag na si howie severino na panoorin ko ang ‘respeto’, bunsod ng maikling diskusyon namin sa kasalukuyang nakababahalang mga isyu na bumabalot sa gubyerno.  pinanood ko, kahapon.  tulad ng nabanggit ko na sa isa pang blog, di ako karaniwang nanonood ng pelikulang pilipino, at lalo’t higit, hindi ako isang movie critic o movie reviewer.  nagsisimulang magsumikap batakin ang isip, unawain ang tema at ang pagkakalahad nito sa pelikula, kayat pasensya na kung mintis ang asinta…

 

nasa mga letra, verso, at rima ang tunay na kalayaan.  sa nakasulat.  sa isinulat.  sa sumulat.  ang kasaysayan ay umuulit-ulit lang.  ang pag-angkin ng kalayaan sa pamamagitan ng pagkuha o pagnakaw ay mauuwi lang sa muli at paulit-ulit na pagkabihag.

dito umiikot ang buhay ni hendrix, isang binatilyong ulila sa ama’t ina, at nakikitira sa kapatid nyang babae (si connie) na may kinakasamang adik at tulak ng shabu (si mando).

mahirap lang sila at nakatira sa isang bahagi ng maynila na masikip at magulo.  sa mithiing masumpungan ang kalayaan sa pamamagitan ng rap music, pumatol si hendrix sa pagiging runner ng shabu kapalit ng ilang daang pisong balato mula sa mapang-abusong kinakasama ng ate nya.  subalit dahil malikhain, si hendrix ay nangarap kumamit ng respeto para sa sarili nya sa pamamagitan ng pagsali sa ‘bersos’, isang rap battle.  subalit sa ilang ulit nyang sinubukang lumaban, napapahiya sya at di nakakamit ang minithing respeto.

nagtagpo ang landas ni hendrix at ni doc, isang nag-uuliyaning matandang mag-isa na sa buhay, at nagmamay-ari ng isang secondhand bookstore.  makata, mapagkawang-gawa.  may anak syang lalaking walang pakundangan sa matanda na pilit ibinebenta ang bookstore.  tinangkang nakawan ni hendrix at ng tropa nya ang bookstore, para mabayaran ang dinespalko (ninakaw) nyang benta ng shabu ni mando (na naipatalo nya sa unang ‘bersos’ na sinalihan nya), subalit nahuli sila.  hindi nagsampa ng kaso ang matandang si doc, at sa halip ay pinag-ayos ang tatlong magbabarakada, si hendrix, si payaso, at si betchai, ng mga nasirang estante at kalat sa bookstore.

nagnakaw muli ng pera si hendrix at nagnakaw ng letra sa mithiing makakamit ng respeto, anupa’t, kalayaan sa pagiging “wala”.  dalawang beses napahiya si hendrix sa ‘bersos’.  unang beses nang kalabanin nya ang dambuhalang si jambalaya rhyme.  palibhasa’y baguhan, sa sobrang takot, nasindak, naihi si hendrix sa salawal nya sa gitna ng tanghalan.  sa ikalawang pagkakataon, mas buo na ang loob nya: may mga verso syang bago… nakaw.  nakaw mula sa notebook ni doc na ninakaw nila sa bookstore.  may pang pusta rin sya, nakaw din mula sa aklat na taguan ni doc.  ang kalaban nya sa ikalawang pagkakataon, si breezy G.

sa pagkakataong ito, sinundan sya ni doc sa ‘bersos’ at habang nagrarap si hendrix ay inantala sya ni doc at siningitan ng sarili nyang verso (tula na bandang huli ay nirarap na rin nya.)  pinahiya sya ni doc sa kalaban nyang si breezy G at sa harap ng lahat ng tao, at galit na tinawag syang magnanakaw.  dito’y nag-iwan si doc ng mahalagang mensahe: upang makamit ang respeto kailangan maging totoo ka — unang-una — sa sarili mo.

dahil dito, binugbog ng tropa ni breezy G si hendrix.  subalit sa dakilang malasakit ni doc sa kanya, ay iniuwi nya sya sa bahay nya.  dito nabuo ang ugnayan ng luma at bago, ng tula at ng rap.  ang nawalang respeto ni doc para sa mga isinulat nya malaon na, ay pinanumbalik at muling bingyang buhay ni hendrix.  subalit ang pagkakatanto nito ay bunga ng mainit na sagutan at pagtatalo ni hendrix at ni doc.  iminulat ni hendrix ang mga mata ni doc sa nawala nyang respeto sa sarili nya, mga likha at sining.  ang pagdiwang ni hendrix ng kaarawan nya, ay pagdiriwang ng pagbabalik ng respeto ni doc sa sining kung saan sya tanyag at kinikilala: ang paradox ng kalayaan.

respeto sa sarili: ang pag-iwas sa pakikipagtunggali upang makadaig, ang daan sa pagkamit ng tunay na kalayaan — hindi ang mistulang pagwawagi sa hamon.  ito ang pinatunayan ni hendrix sa pagtanggi nya sa hamon ni breezy G, matapos syang muling hiyain at hamunin sa labas ng bar nung pauwi sila galing sa birthday blowout ni doc.  tila nagkaayos na si hendrix at breezy G (bago nito), subalit ito’y para lang magamit ni breezy G at ng tropa nya si candy (nakita ni hendrix), na napupusuan na ni hendrix.  sa pamamagitan nito’y nagkarooon si hendrix at si doc ng magsintulad na karanasan sa kahinaan – kapwa sila ‘walang nagawa’ sa karumal-dumal na sinapit ng minamahal nila – si doc sa higit na malalim na paraan, nang gahasain ng mga constabularyo sa harapan nya ang sarili nyang asawa at barilin ang panganay nyang anak, noong panahon ng martial law.

subalit may hangganan ang pag-iwas sa hamon at ang pagbibigay — pag umabot sa sukdulan ang pag yurak sa dangal ng isang tao.  ang tanging paraan sa paglaya sa namuong alab ng damdamin (pagdidilim ng paningin) ay ang pagkitil sa buhay ng may akda ng kalapastanganan.  yan ang ginawa ni doc sa constabularyo na lumapastangan sa asawa nya, nang makasalubong nyang lasing na lasing sa tulay isang gabi – nagdilim ang paningin nya at pinagpapalo nya ng bato sa ulo hanggang sa mamatay.  yan din ang naramdaman ni hendrix nang lapastanganin ng anak ni doc na pulis ang sarili nyang ama at hinataw nya ito ng baril sa mukha, sa harapan nila ni betchai.  ito’y matapos tokhangin ng pulis si mando, si connie, at si payaso, (nakita ng pulis na nakita siya ni hendrix at betchai) sa sariling bahay ni mando.

bihag ng kasakiman, kapangyarihan, at kalapastanganan ang pulis na anak ni doc.  ito ang naging panuntunan nya na pinag-uugatan ng karahasan sa kalooban nya.  ito rin ang panuntunang namamalas ng karaniwang mamamayan sa maraming mga opisyal ng gubyerno, mga mambabatas, kapulisan, umaabot hanggang sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan – ang pangulo – kapwa mga bihag ng kasakiman, kapangyarihan, at kalapastanganan.

respeto sa sarili, respeto sa magulang, respeto sa pag-aari at gawa ng iba, respeto sa samahan, at higit sa lahat respeto sa buhay ng tao.  pag nawala ang respeto at umiral ang tahasang paglapastangan sa buhay ng tao, hindi malaon na sa simbuyo ng pagkakataon, maaari itong mauwi sa pagkitil ng buhay — di man literal — ng may akda ng kalapastanganan.  ito ay pagkamit ng kalayaan…

respeto.

birdshot – the movie

hindi ako mahilig manood ng pelikulang pilipino — napakadalang, kung makapanood man, na manood (lalo na) sa loob ng sinehan.  at lalong hindi rin naman ako isang kritiko o manunulat ng movie review.  subali’t itong ‘birdshot’ ay naiiba, sapagkat kakaibang dahilan ang nag-udyok sa kin na panoorin ito.

birdshot jacket

gumanap kasi dito ang nakatatandang kapatid ng isa kong high school classmate, si jerry aquino.  kapatid nya si ku aquino na gumanap bilang si diego, tatay ng dalagitang si maya, kung kaninong katauhan umikot ang plot (o paggulong) ng storya.  mahusay ang pagganap ni ku aquino at kapani-paniwala ang character ni diego na ginampanan nya sa pelikula.

eh, akalain ko bang napakahaba ng pila sa bilihan ng ticket — palibhasa last day na ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP)!

21037884_10154997277164506_889855581_o

pumila ako ng 6.45pm, nakabili ako ng ticket 7.15pm na — eh 7.15pm ang palabas.

21035313_10154997283889506_423312900_o

dali-dali kaming pumasok ni jane (misis ko) sa sinehan.  ayown, 7.30pm na, trailer pa rin ang pinapakita!

simula pa lang, tila inuudyok na ng pelikula na mag-isip ka.  pero ang totoo nyan, bago pa kami manood, sinabi na ng isa pang high school classmate namin tungkol sa pelikula na, “viewers’ thinking juices primed overtime.”  kaya napangunahan na kami na kailangan ng isip-isip.

di nako magco-comment sa cinematography… mahusay!  pakiramdam mo hinatid ka nito sa panahon — 70’s? — kung kailan nangyari ang sina-pelikula; at sa bawat eksena rin.  pati musical score… sakto lang.  di inabuso ang tainga mo ng mga walang kabuluhang tunog at inaakay ka ng tamang timpla sa pag-unawa ng eksena.

akala ko kinalimutan nang tuluyan ni direk ang nawawalang bus.  ito kasing nawawalang bus (at mga pasahero nito) ang nagpa-gulong (pun alert) ng kwento.  aba’y biglang lumitaw, i mean, in-unveil ang mystery sa kahuli-hulihang eksena.  ang tinde!  i walked right into it, with all my guards down — akala ko tapos na at ira-wrap-up na lang.  nagpatay-malisya lang pala si direk na tila nakalimutan na nya ang mga nawawalang pasahero ng bus.

ang matahimik na mundo ng mag-amang si diego at (ulila sa inang) si maya, ay mapapagitna sa pag-lutas ng mysteryo ng nawawalang mga pasahero ng bus.  ang hudyat ng pag-pihit ng storya patungo sa mas makitid na daan ay ang iyak ng haribon o ang pambansang hayop, ang agila.  teka, agila nga ba o kalabaw ang pambansang hayop?  ay, bahala na!

ang hudyat ng pag-iyak ng agila ang simula ng pagkaka-sangkot ni maya at ni diego sa pag-gulong ng storya.  sa eksenang ito unang ipinutok ni maya ang ‘birdshot’.  at ang hudyat ng pag-iyak ng agila ang pagtatapos kung saan matutuklasan ni maya (na di sinasadya) ang kasagutan sa mysteryo ng nawawalang mga pasahero ng bus.  sa eksena bago nito ang ikalawa, at ang huling ipinutok ni maya ang ‘birdshot’.

a bit of irony.  kung alam lang ni domingo, ang nakababatang pulis na parang asong gutom ang kapit sa kaso ng nawawalang mga pasahero ng bus, kung alam lang ni domingo na (ayon kay direk) ang kaso ng nawawalang agila ang daan para malutas ang mysteryo ng nawawalang mga pasahero ng bus, ay kinasabikan sana nya itong tanggapin.  subalit, sa kabila ng ilang beses na syang nakagalitan (pati ng kalbong hepe) sa patuloy nyang pag-tutok sa kaso ng nawawalang mga pasahero ng bus, pinagpatuloy pa rin nya ito.  at kung kailan na sya tumigil dito, doon na kusang gumulong ang kwento tungo sa paglutas ng mysteryo, na di sya angkas.

eh, pina-iral din naman dito sa pelikula ang katutubong paniniwala natin sa mga espiritu.  di naman lohika at masusing pag-iimbestiga ang nakatuklas ng kinaroroonan ng mga nawawalang pasahero ng bus.  ang nag-udyok din nito ay ang pananalig ni maya sa pagtuturo ng lola nya, na may mga kaluluwang di pa natatahimik (na makikita nya ilang beses,) at binuksan ni maya ang isipan niya dito.  kaya’t nang marinig nya ang iyak ng agila, tila naudyok ang diwa nya na tumugon dito, at sinundan nya kung saan sya dinala nito — kung saan natagpuan nya ang mga nawawalang pasahero ng bus ng hacienda del carmen (HDC).

itong pagtatapos ng pelikula sa pagkakatuklas ng kinaroroonan ng mga nawawalang pasahero ng bus (nagpagulong ng kwento) ay nag-uudyok ng mas maraming tanong kaysa sa sinasagutan nya.  subalit hindi ito kataka-taka, sapagkat marami nang hinulog na butil ng tinapay sa kape si direk para ihanda ang pag-iisip natin sa open-ended na pagwawakas ng storya.  maraming open-ended na pag-uusap at kaganapan sa pelikula.

ang dahilan kung bakit hindi dapat lumagpas sa ‘harang’ si maya, na nang tanungin nya si diego, di sya sinagot.  ang kamay ng illegal logger na tinangkang putulin ni ‘heneral luna’ mendoza, ang mas senior na pulis — naputol kaya?  di pinakita at di rin sinabi kung nakuha ba nila ang impormasyon sa kanya.  (oo, tinaga ni ‘heneral luna’ ung braso ng illegal logger, at oo, nakuha nila ang impormasyon.)  nang tanungin ni maya kung saan pupunta si diego (nung papunta na sya sa presinto) di sya sinagot (at naiwan si maya mag-isa sa bahay… at mag-isa sa buhay simula nito).  kaya’t nang tapusin ni direk ang pelikula, na may isang sagot, at napakaraming tanong na di na masasagutan ng pelikula — aba’y ayon nga sa high school classmate ko “overtime ang thinking juices” natin dyan!

hat tip kay direk mikhail red! ku aquino (utol ng high school classmate ko!) ‘heneral luna’ mendoza, si domingo, si bala, at si maya!  (atbp. si kalbong hepe, at si lola.)

mabuhay ang indie films!