dalawang kasal

ikinasal ang pamangkin kong babae, si hannah, noong nakaraang sabado, feb.18.  isang simpleng kasalan sa bulwagan ng Moonwalk Community Bible Church (MCBC) at isang simpleng reception sa parehong bulwagan — simple dahil ang mga pagkain ay pinag-ambag-ambagan lang ng mga panauhin (kamag-anak at kaibigan.)  simpleng reception subalit napakasarap at babalik-balikan!

ikinasal ang pamangkin ko sa tatay ng 2-taong gulang na anak nya — si jason.  di man maayos ang simulain para sa dalawang ikinasal, ay mabuti at naiayos, at nailagay sa tuwid at marangal ang kanilang kalagayan.

16831879_10158160918435580_7726958231437754535_n

nagbalik-ala-ala tuloy ang isang kasal na, sa lahat ng kasalan na napuntahan ko… kakaiba!  ito (sa akin) ang ‘wedding of the century!’  ito (ayon sa sabi-sabi) ang mag-uuwi ng… pancit!

ang kasalan ay naganap sa isang malayong lugar, sa rizal, nueva ecija.  malayo para sa mga tiga-maynila: malayo dahil kung hindi makakatawid ng ilog ang sasakyan mo, tatawid ito sa isang makitid na tulay na walang harang sa gilid.  subalit hindi ang layo nito ang dahilan kung bakit (sa akin) itong kasalang ito ay naging kakaiba.

isa lang marahil syang karaniwang kasalang purbinsya, kung hindi dahil dun sa kalesang hinihila ng kabayo, o tiburin, kung saan nakasakay ang ‘bride’ (ang babaeng ikakasal — tawagin na lang natin sya sa pangalang… malou.)

tapos na ang processional, lahat ng mga kalahok sa kasal — ang groom, mga ninong at ninang, mga abay, mga magulang ng ikakasal, atbp. — ay nasa kani-kanilang puwesto na sa kasal.  ang bride na lang ang hinihintay.  at ang pinaka-aabangang bride (alam ng lahat) ay ihahatid sa paanan ng simbahan sakay ng tiburin.  lahat ng mga mata (ngayon) ay nakatuon na sa puwang ng pintuan ng simbahan kung saan magaganap ang paghatid at pagbaba ng bride mula sa tiburin, at ang kasunod nitong ‘bridal march.’

dumating na ang pinakahihintay na sandali: unti-unti nang natanaw ng lahat — una, ang nguso, mukha, at leeg ng kabayo.  ang kalahati ng kanyang katawan at ang unang bahagi ng tiburin na may palamuti.  ayun na ang tiburin, sakay ang bride.  ayun na… ayun na… ayayay… lumagpas!  dere-deretso ang kabayo at hindi huminto sa tapat ng simbahan.  ay, dedere-deretso sa ilog sakay ang bride!

toink!