teodorico’s buffet restaurant

nagkaroon nanaman ako ng pagkakataong kumain sa isang eat-all-you-can buffet sa amin, sa plaridel, bulacan, nitong linggo ng gabi, aug.6.  ang lugar: teodorico’s buffet restaurant and events place (na kilala sa pinaikling panglan nya… teodorico’s.)

mura at masarap!  sa halagang P189 na hapunan, sulit na sulit ang pera mo.  kaya nga nasa blog ko eh.  may bias ako sa kung ano ang sulit sa pera ko at masarap.  di naman ako pihikan, anupa’t basta’t may crispy pata, lechong kawali, bagnet, o inihaw na liempo unilimited o unli, pasok ang eat-all-you-can buffet sa kategorya ng “mura at masarap.”

sabi ng anak ko, 6 – 9 pm daw ang oras ng buffet.  kinabahan ako dahil pagdating ng grupo namin sa teodorico’s ng mga 7:30 pm, wala na halos laman ang bandehado ng crispy pata at inihaw na liempo.

“ay wala nang crispy pata!” napabulong ako kay jane (misis ko).
“maglalabas po ako ng bago,” sabi ng isang babaeng serbidor na tila narinig ang sinabi ko, “tatawagin ko po kayo.”

pati serbisyo dito personal… panalo!  dahil kaya kakilala ko ang may-ari… si awel raymundo?  (di ko tiyak kung tama ang “awel”.)  binati ko kasi sya ng saludo pagdating namin.  magkaklase ang mga anak namin nung grade school sa SGS, kaya kami nagkakilala.  at suki ako sa dating mini grocery niya, ang mac-j, sa village namin.

20677052_10154953751019506_1337935335_o

si awel raymundo, may-ari ng teodorico’s

dali-dali akong tumayo sa upuan ko nang idaan ng babaeng serbidor ang crispy pata sa gilid ko (ang lamesa kasi namin nasa may labasan ng kusina.)

“sir, eto na po yung crispy pata.”

kung di ko lang marahil ikamatay, kukuha ako ng isang pinggan ng crispy pata eh!  pero sa edad kong ito, tikim lang, ayos na!  kumuha na rin ako ng inihaw na liempotikim din!

20641525_10154953750999506_278244188_o

katiting na tikim ng crispy pata at inihaw na liempo

eat-all-you-can sa halagang P189!  marami pang ibang putahe na nakahain maliban sa crispy pata at inihaw na liempo.  may vegetable salad (lettuce, pipino, at kamatis), crispy kare-kare (di ko masyadong natikman dahil sa crispy pata), kalderetang baka, ulo ng pink salmon, halaan, laksa, pancit, siopao, siomai, at gyoza, atbp.  may dessert din.  subalit ang isang specialty daw ng teodorico’s ay ang crispy fried chicken!

pag daan ng babaeng serbidor mula sa kusina, na may dalang isang bandehadong bagong lutong crispy chicken, tumigil sya sandali sa lamesa namin at pinaglagay kami ni jane ng tig-isang thigh part sa plato namin.  mmm, crispy na, juicy pa!  at… special delivery pa! 

“sir, iced tea po, libre po yan,” ika ng babaeng serbidor, habang kumakain kami ni jane.

ngayon wala na kong duda na kaya kami binigyan ng isang pistel ng iced tea na libre ay dahil kakilala nga namin ang may-ari, si awel.

20684662_10154953750949506_2014445477_o

si jane, butihing misis ko

nagpaalam kami at nakipag-daupang-palad kay awel bago kami lumabas ng teodorico’s, patunay na magkakilala kaming totoo.  binigyan ko sya ng thumbs up ng dalawang beses, patunay na nasiyahan ako sa pagkain at serbisyo ng restaurant nila.

 

the pastry chef, bgy. longos, pulilan, bulacan

hanak ng tokwang tustado!  pasalad-salad pa ‘ko — sinilip ko kung ano mga ulam na nakalatag sa hainan, eh, naglabas ba naman ng isang bandehadong bagong lutong (pun intended) lechong kawaling bulacan… goodbye pasalad-salad!

sa halagang P200 — hindi… P199 lng — eh kahit dalawang plato nung lechong kawaling yun eh babanatan ko, walang makakapigil sakin.  meron pala, hehe, si jane kasama ko, kaya kumuha lang ako ng isang dakotcrispy, juicy, and succulent decadence!at isa pang dakot!  pinandilatan na nga ako ng mata ng sweetheart ko, nagagalit na sakin, sobra na daw ako!

sulit na, nakaw (ika nga) ang P199, sa isa’t-kalahating oras na pananghalian, dito sa ‘the pastry chef’kahit lechong kawaling bulacan lang ang pag-usapan.  may kare-kareng tuwalya din, up to sawa (ika nga) o (sa panahon natin ngayon) unli.  marami pang ibang pagkain: mga pasta, oo may pansit, iba’t-ibang uri ng salad; maraming dessert, sari-saring timpladong drinks, may neskape, at ang paborito ng bayan na halo-halo (kanya-kanyang gawa.)

nagustuhan ko yung coleslaw salad nila, asim-tamis oks, tinerno ko rin kasi sa lechong kawali, (kaya kahit naka dalawang tumpok ako ng lechong kawali, namaaan!, naka dalawang tumpok din ako ng coleslaw salad — naka tatlo nga akong coleslaw salad, una yung pasalad-salad ko bago ihinain sa harapan ko yung bandehado ng bagong lutong lechong kawaling naka-ibabaw ang mga namumutok na balat at naglalangis na taba!)

eh, kanin?  di na!  maraming kanin sa bahay.

etong coleslaw salad… nagunita ko bigla nung bagong bukas yung ‘minute burger’ sa labas ng village namin.  nag-order ako ng burger na may coleslaw:

‘ay, frozen pa yung coleslaw, sir,’ sabi ni miss tindera.

‘wala ba kayo nung hindi frozen?  mahihintay ko ba yan?’ tanong ko.

‘ay matatagalan pa sir,’ sagot ni miss tindera.

ay, kaya pala… cold-slowfrozen na, matatagalan pa…

toink!