father’s day porterhouse

porterhouse 2

sira na naman ang diet.  pero di bale, babawi na lang.  eh pano ba naman natuto akong magluto ng steak.

dati-rati di ako marunong… eh natuto.  di rin naman kasi ako mahilig kumain ng baka.

di ako mahilig kumain ng laman ng baka.  mahilig ako sa litid at taba, kaya ang pinakamadalas na binibili kong parte ng baka, tuhod o bulalo (na walang laman), dahil bukod sa marami itong litid (may utak pa), ito rin ay mas murang tabas ng baka.

bistek (beef steak) na sirloin na ang pinaka-steak na naluto ko, pero kahit dito pumapalya pa rin sa pagpapanatiling malambot ng karne sa paraan ng pagluto.

eh, nasanay ako sa matigas at makunat na laman ng baka nung mga bata pa kami ng mga kapatid ko.  masarap ang lasa ng pritong baka.  pero dahil di naman inaral ni ‘inday’ (tawag namin sa katulong namin na galing mindanao) pano lutuin ang baka na di titigas, eh ayun… bakang lumalaban sa kagat na parang gulong!

pero itong bagong tuklas kong porterhouse, kakaiba at (sa ngayon) bukod-tangi.  pangalawang beses ko na magluto ng porterhouse steak — tagumpay pareho!  yung una, one week ago.  yung ikalawa ginawa ko nitong nakaraang father’s day, june 18.

porterhouse

unang subok ng porterhouse steak

gustong-gusto ng mga anak ko at mga kaibigan nila… at lalo na ni jane.  eh si jane pa naman ayaw ng makunat na karne.  subalit hindi sya nabigo sa porterhouse steak, dahil sa lambot at linamnam ng karne.  ako man, di bigo, alalaong baga’y tuwang-tuwa at di makatulog sa bagong-aning tagumpay.

ginawan ko pa ng gravy kaya lalong natuwa ang mga nagsikain.  mas marami kasi silang nakaing kanin!  nung unang subok ko ng porterhouse steak, di ako nakagawa ng gravy.  di sila masyadong nakakain ng kanin, mashed potato lang daw.  subalit nitong nakaraan, dahil may gravy, eh… unli rice!  buti na lang nasa bahay kami, dahil may mambabatas na walang-utak na ipinagbawal ang unli rice sa mga kainan.

eh, bukod dito sa porterhouse, may isang damakmak na lamang-dagat (seafoods) pa.  nagdala si dea ng mga sipit ng alimango, hipon, at tahong.  kaya’t puno ang plato!

19250111_10208935062126075_1464974139_o

hipon, mashed potato, sliced porterhouse, coleslaw, at sipit ng alimango

sa susunod na pagkakataon, itataas ko ang antas ng pagluluto ng steak.  susubukan ko naman ang tomahawk!

walang utak!

kumain kami ni jane, sa buddy’s, sa kanlurang gilid ng shopwise cubao.  mura pala dun, sa halagang P300+ busog na kaming dalawa.  sa loob, mapalamuti ang paligid, pakiramdam mong para kang nasa kapistahan (fiesta.)

pre-valentine’s lunch ito kasi feb.12.  di na kami lumabas para kumain nung balentime’s.  binigyan ko na lang si jane ng bulaklak — ecuadorian roses na lavander… naks!

received_10208760077667870

first time ko itong kakain sa buddy’s, kaya tinanong ko si waiter-boy kung ano specialty nila.

“pancit lukban, sir,” sagot nya, “longganisang lukban.”

“o sige, yun ang oorderin ko.”

“tikman natin,” sabi ko kay jane.

received_10208760400555942

nasa hapag: pancit lukban at longganisang lukban (longsilog)

first time ko sa buddy’s pero di ko naman first time makakakain ng longganisang lukban o pancit lukban (alam kong suka ang nilalagay sa pancit at hindi toyo o patis.)  marami ngang sahog yung pancit, may toppings pa na lechong kawali.

ang hatol: yung longganisa (longsilog sya) – masarap na rin, masarap almusal na tanghalian.  yung pancit, pwede na, pero di ko babalik-balikan (eh mahilig ako sa pancit.)

kumain muli kami ni jane sa buddy’s after 2 weeks… kanina.  nasa araneta center kasi kami at naisipan naman naming subukan ang bulalo nila.

nag order din ako ng ‘buddy’s burger’ at macaroni salad — para rin masubukan.  di man nila ito specialty, dapat masarap pa rin para babalik-balikan.

ang hatol: yung buddy’s burger — anlamig nung tinapay… anubayan!  yung macaroni salad, ayoko (masarap akong mag macaroni salad eh!)  yung bulalo?

“kuya, bakit ganito itong bulalo nyo?” tanong ko sa waiter.

“ano po yun?”

“ba’t ganito ito — walang utak,” sabi ko, “eh, yun ang binabayaran dun!”

nagluluto ako ng bulalo.  ang utak, nirereserba ko para sa may gusto — espesyal kasi yun.  eh, itong bulalo ni buddy’s, nagmistulang nilagang baka kasi… walang utak!