Si Cesar Apolinario

Lilinawin ko lang, bago ang lahat — hindi kami magkakilala ni Cesar Apolinario. Hindi rin directly patungkol kay Cesar Apolinario ang article na ito. Kung kaya’t — bakit ko ito pinamagatang Si Cesar Apolinario???

Sumakabilang-buhay si Cesar Apolinario noong Biyernes, ika-13 ng Disyembre…

Lumuwas ako nitong Lunes, ika-16, patungong Trellis. May reunion kami doon ng mga high school klasmeyt ko sa Ateneo. Namasahe lang ako, at sumakay ng bus byaheng Cubao paluwas.

Karaniwan ay nagbababa ang bus sa SM North, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi. Mula SM North kasi, makakasakay na ko ng jeep na byaheng City Hall (QC). Ang Trellis ay halos nasa likod lang ng City Hall.

Sa GMA MRT daw sila magbababa ng pasahero. Pwede pa rin sa kin, dahil may sakayan ng tricycle sa tapat ng JAM terminal, deretso sa Trellis. Lalakarin ko lang ang kahabaan ng EDSA sa gilid ng GMA at tatawid ng Timog Ave patungong JAM teminal.

Malapit nang mag alas singko, at ang usapan namin ni Randy, alas singko magkikita sa Trellis. Kaya’t medyo paspas ang paglalakad ko.

Iniiwasan ang mga taong kasalubong sa makipot na sidewalk, at kumukuha ng tiyempong lagpasan ang nasa harapan ko na mabagal maglakad. Nakatingin din ako sa nilalakaran ko at baka matalisod.

Nang biglang tumambad sa mga mata ko, at matatapakan ko na — ang plaque ng bituin na may pangalang Cesar Apolinario!

Nasa StarWalk (ito ba tawag dun?) pala ng GMA si Cesar Apolinario. At kung hindi ako nakatingin sa nilalakaran ko, maaaring natapakan ko lang ang plaque nya at tumuloy-tuloy sa paglalakad. Datapwat hindi.

E di huminto ako sa paglalakad at kinunan ko ng litrato…

20191216_163623

Kagabi, nag-post si Howie Severino sa fb ng madamdaming article tungkol kay Cesar Apolinario. Kapwa mamamahayag at dokumentarista ng GMA si Howie at si Cesar. Mas matanda si Howie kay Cesar ng mga 10 taon, datapwat naging magkaibigan sila.

Sa sinulat ni Howie, binanggit nya na si Cesar daw ay tulad ng isang bulalakaw (comet) na nagbigay ng kaniyang liwanag, datapwat sa sandaling panahon lamang.

Kinuwento ko kay Howie ang pangyayari sa StarWalk, at sinabi nya sa akin,

“Nagparamdam (si Cesar) sa yo 😂” (sulat baybayin).

PicsArt_12-18-03.40.51

Sabi ko, hindi man kami nagkakilala, datapwat dahil sa pangyayari, ay tulad siya ng isang bulalakaw na nakita kong saglit, at ngayon ay nasa kamalayan ko na —

Si Cesar Apolinario.