Kompost sa Balde

Hindi ako magaling mag-alaga ng halaman. Halos lahat ng inalagaan kong halaman, namatay. Wala akong ‘green thumb’ ๐Ÿ‘. Meron ako ‘black thumb’ ๐Ÿ‘Ž. Kayรข ang nag-aalaga ay si Jane (misis) at Jikki (anak).

Datapwat, hindi nito ibig sabihin na hindi ako marunong magmahal ng mga halaman. Marunong naman po. Tamad lang magdilig at walang tiyagang mag cultivate ng lupa, etsetera, etsetera…

Naisip kong gumawa ng kompost (abono) sa balde. Di man ako magaling maglinang ng halamanan, may kaunting kaalaman naman ako sa agham. At kaya naman ng utak kong unawain ang paraan ng paggawa ng kompost.

Bukod sa makakatulong ang kompost sa kalusugan ng mga halaman, ang paggawa nito ay nakakatulong din sa kapaligiran. Nababawasan kasi ang basura na kinokolekta ng basurero, linggo-linggo. Eh marami sa mga basurang (nabubulok) tinatapon ng mga sambahayan ay hindi nararapat na ibinabaon sa lupa (landfill) datapwat sa halip ay maaari ngang gawing kompost.

Dalawang sangkap lang ang karaniwang ginagamit sa paggawa ng kompost na mula sa organik basura: mga kayumanggi (brown) at berde (green). At dalawang sangkap mula sa kalikasan: hangin at hamog. Ang ugnayan ng apat na sangkap na ito ang bubuhay at magpapalago sa komunidad ng di-kitang bakterya na syang kakain sa basura at mag-iiwan ng kanilang pinagdumihan, hanggang sa wala nang basurang makakain. Ang naipong pinagdumihan ng mga bakterya ay isang mangitim-ngitim, nadudurog-durog, at amoy lupang tumpok. Ito ang kompost. At ito’y siksik sa sustansya.

Ang mga kayumangging sangkap ay karaniwang mula sa mga patay na bahagi ng mga puno’t halaman, tulad ng tuyong dahon, maliliit na sanga, tuyong damo, papel, diyaryo, karton, kusot, atbp. Ito ay mayaman sa nitrogen, ang sustansyang gamit ng mga bakterya sa pagbubuo ng protina para sa paglago at pagpaparami nila.

20191009_150110

Ang mga berdeng sangkap naman ay mga sariwang bahagi ng mga gulay at prutas, tulad ng balat ng saging, papaya, mangga, kalabasa, mga tangkay at lantang dahon ng pechay, repolyo, sitaw, kangkong, atbp. Ito ay mayaman sa karbon, ang sustansyang (karbohydrates) pinagkukunan ng mga bakterya ng lakas at enerhiya nila.

20191009_150152

Mahirap isa-isahin ang maaari at di-maaaring gamiting sangkap sa paggawa ng kompost, datapwat sa pangkalahatan ang mga dumi ng aso, pusa, at tao ay hindi maaari. Gayundin ang malalaking tipak ng kahoy, dahil mahirap itong kainin ng mga di-kitang bakterya. Ang mga plastic, bakal, atbp na mga hindi organik basura ay di rin uubra. Subalit ang mga giniling na kape, tsaa, balat ng itlog, buto ng kalabasa, pakwan, o melon, at alikabok (lupa) ay maaaring isama. Ang mga karne at buto-buto (hilaw o luto), mga pinaglinisan ng mga isda at lamang-dagat, gatas, at mantika ay hindi rin maaari.

20191009_150159

Mag-iisang linggo pa lang ang ginagawa kong kompost sa balde. Hinahalo-halo ko pa ito para mag balanse ang pagkalat ng mga sangkap, bago ko iimbak. Hindi pa kasi napupuno ang balde. Dahil ito’y unang subok ko pa lang, sinusukat ko pa ang dami ng tinatapon naming organik basura kung gano katagal makakapuno ng isang baldeng pang-kompost. Pag inimbak ko na sya, paminsan-minsan ko na lang hahalu-haluin.

20191009_150100

Isa sa mga tanda na buhay, kumakain ng mabuti, at maligalig ang mga bakterya sa kompost sa balde ay ang namumuong init nito sa gitna (loob). Ito ang pinakamalinaw na tanda. Sa oras na mawalan ng init at hindi pa tapos ang paggawa ng kompost, maaaring hindi na naaabot ng bakterya ang pagkain. Kailangan haluin muli ang laman ng balde, para magpang-abot ang bakterya at ang mga organik na pagkain nila.

Isa pang tanda na buhay, kumakain, at maligalig ang mga bakterya ay ang pagpapawis sa loob ng balde. Makikita ito sa ilalim ng taklob at sa mga gilid ng loob ng balde. Ang namumuong hamog sa loob ng balde ay pawis ng bakterya na bunga ng kanilang ligalig at pagpaparami. Di man sila kita ng mata mo, alam mong buhay sila.

Kapag napuno na at nahalo-halo nang mabuti, iiimbak ko ang kompost sa balde ng mga dalawang linggo kung saan maaabot sya ng init ng araw. Sa panahong ito, sisilip-silipin ko lang sya (hindi hahaluin) para pakiramdaman ang init at pagpapawis. Mahihinog ang kompost (kung magiging maayos lahat) sa loob ng 2 – 3 buwan.

Pag hinog na ito, pwede na itong gamitin ni Jane at Jikki bilang pataba sa lupa ng mga alaga nilang halaman. Samantala, ako naman, patuloy na magbubukod ng mga organik basura, at gagawa ng kompost sa balde.๐Ÿค˜

UPDATE: 19 Pebrero 2020

Eto na ang kinalabasan ng Kompost sa Balde, matapos ang halos apat na buwan.

20200219_143330

Hindi perfect. Napansin kong marami syang mga balat ng itlog (durog) na naiwan, at mga pinagbalatan ng buto ng kalabasa. May mailiit na piraso din ng EcoBag.

Datapwat, sa pangkalahatan, ang Kompost sa Balde ayโ€ฆ

Wagi! ๐Ÿ™†